CAUAYAN CITY- Malapit nang makamit ng National Food Authority (NFA) Cauayan ang target procurement na 25,000 bags ng palay ngayong anihan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay House Supervisor Ronald Acosta ng NFA Cauayan, sinabi niya na mayroon nang 500 na magsasaka ang nakapagpa schedule para mag benta ng palay.
Madali na lamang aniya na mapuno ang Cauayan warehouse lalo pa at 16,000 na bags na ang total procurement ngayon.
Mayroon na lamang 9,000 bags ang pwedeng bilhin ng warehouse at tinatayang 9 na araw nalang ang itatagal ng kanilang procurement dahil 1,000 bags ang maximum procurement sa bawat araw.
Gayon pa man ay inaabisuhan naman ang lahat ng magsasaka sa kalapit na bayan ng Cauayan City na magtungo na sila sa NFA Cauayan upang magbenta ng kanilang ani.
Sakali namang wala nang espasyo sa bodega ay aabisuhan naman ang mga magsasaka na mag benta sa malalapit na NFA warehouse.











