--Ads--

CAUAYAN CITY- Dumadaing ang ilang mga vendor sa pribadong pamilihan ng Cauayan dahil malimit na maranasan tuwing hapon ang pagbaha dulot ng malalakas na pag-ulan.

Matatandaan na hindi ito ang unang pagkakataon na naranasan ang pagbaha dahil naitala na rin ito noong nakaraang taon.

Kaugnay nito ay apektado na rin ang mga vendor partikular sa vegetable and wet section ng pamilihan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bella Martinez, vendor, sinabi niya na dahil sila ang nasa bungad na pwesto na nagtitinda ng mga gulay, madalas sila ang unang nakararanas ng malakas na agos ng tubig.

--Ads--

Hindi kasi aniya pantay ang semento sa gulayan kaya lahat ng tubig mula sa itaas ay bumabagsak pababa sa loob ng palengke.

Aniya, hindi naman nagtatagal ang pagbaha dahil nararanasan lamang ito tuwing kasalukuyan ang ulan, ngunit kung tumila na aniya ang ulan ay agad din namang huhupa ang baha.

Dagdag pa niya, dahil sa madalas na pag-ulan at pagbaha ay nasisiraan na rin sila ng paninda lalo pa at gulay ang kanilang ibinebenta.

Wala na rin aniyang tao sa palengke kapag nakaranas ng pagbaha kaya malimit silang umuuwi sa hapon na walang benta.