Mas lalo pang pinaigting ng Cordon Police Station ang kanilang programa na naglalayong mabawasan ang mga vehicular accidents sa kanilang nasasakupan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Federico Tulay, Deputy Chief of Police ng Cordon Police Station, sinabi niya na ang bayan ng Cordon ay gateway patungo sa mga kalapit na lalawigan kaya hindi umano maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.
Kaugnay nito ay mayroon umano silang umiiral na proyekto na tinawag nilang “Project Cordon MPS” na naglalayong I-kontrol ang mga reckless drivers sa pamamagitan ng pagtatalaga ng checkpoints sa mga pangunahing kalsada upang mabawasan ang mga aksidente sa daan.
Maliban sa pagbibigay ng paalala ay nag-iissue rin sila ng citation ticket sa mga lumalabag sa umiiral na alitunin sa kalsada.
Ayon kay PCpt. Tulay, nagsasagawa aniya sila ng refresher course sa mga Barangay Tanod upang madagdagan ang kanilang kaalaman sa pagtulong sa mga kapulisan sa pagpapanatili ng kaayusan sa kanilang bayan.
Malaking bagay din ang pagdedeploy nila ng mga pulis sa bawat barangay upang mas mapabilis ang pag-responde sa mga insidente lalo na at may tatlong barangay sa Cordon ang pahirapan ng signal.
Samantala, sa ngayon ay prino-proseso na ang pagdedeklara bilang drug-cleared municipality ng Cordon at tiniyak naman nila na patuloy ang gagawin nilang pakikibaka kontra iligal na droga.











