CAUAYAN CITY- Kumbinsido ang may-ari ng bahay na nasunog sa De Vera, Cauayan City na hindi aksidente ang pagkakasunog ng bahay kundi sinadya ito.
Tinupok ng apoy at yero nalang ang natira sa bahay na pagmamay-ari ni Allan Paraggua na noon ay nasa Pangasinan para mag trabaho.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Allan Paraggua, sinabi niya na isang buwan na siyang umalis sa kanyang bahay upang mag trabaho sa ibang lugar.
Hindi rin aniya madalas na umuuwi ang kanyang dalawang anak dahil may kanya kanya na rin silang tinutuluyan ngayon.
Bagaman 20 years na aniya ang kanyang bahay na gawa sa light materials, wala naman aniyang mali sa wire at hindi rin naman naka saksak ang mga appliances dahil naka off ang fuse nito.
Sa ngayon ang sumasagi lang naman aniya sa kanyang isipan na sinadyang sunugin ang kanyang bahay dahil mayroon siyang natatanggap na death threat noong nakalipas na araw.
Dahil dito ay hihingi siya ng tulong mula sa mga opisyal ng barangay upang ma imbestigahan ang pangyayari.
Nananawagan pa siya sa may mabubuting puso na sana ay matulungan silang makabangon muli dahil walang natira sa kanilang kagamitan kahit isang damit man lang.
Samantala, paglilinaw naman ni Punong Barangay Nenita Ramos na walang tao sa bahay nang mangyari ang sunog at wala rin itong malalapit na kapitbahay para agad sanang makakita sa sunog.
Tanging ang mga dumaan lang aniya na galing sa peryahan ang nakapansin na nagliliyab na ang bahay kaya agad niyang pinapunta sa lugar ang iba pang opisyal ng barangay.
Sinubukan din aniya nila na tawagan ang BFP para apulahin ang sunog subalit sa sobrang lakas ng apoy ay wala na aniyang madadatnan ang mga rerespondeng kasapi ng BFP lalo pa at sobrang layo ng kanilang barangay mula sa Cauayan Proper.











