--Ads--

Maghahain ng petisyon sa Korte Suprema (SC) ang Duterte Youth Party-List matapos hindi maisama sa proklamasyon ng mga nanalong party-list groups sa katatapos na 2025 midterm elections.

Sa kanilang pahayag, iginiit ng grupo na nagkaroon umano ng grave abuse of discretion ang Commission on Elections (Comelec) nang ipagpaliban ang kanilang proklamasyon.

Ayon sa Duterte Youth, nakakuha sila ng mahigit 2.3 milyong boto, dahilan para pumangalawa sa may pinakamaraming boto sa party-list race. Ngunit hindi pa rin naiproklama ang tatlo nilang nominado—sina Rep. Drixie Cardema, Berlin Lingwa, at Ron Bawalan.

Giit ng grupo, ang delay ay bunsod pa rin ng mga reklamo ng Kabataan Party-List noong 2019. Kabilang sa mga alegasyon ay ang umano’y kawalan ng rehistro ng Duterte Youth sa Comelec, pagkakasangkot sa vote buying, at pahayag na susuportahan nila ang AFP at PNP sa pagsugpo sa mga rebeldeng New People’s Army at mga kaalyado nito.

--Ads--

Paliwanag ng Duterte Youth, matagal na nilang nasagot ang mga isyung ito noong 2019 at pinayagan na rin silang maupo sa pwesto noon matapos ang desisyon ng Comelec.

Dagdag pa nila, ito na ang ikatlong beses nilang lumahok sa halalan, at muli silang nanalo sa pamamagitan ng boto ng taumbayan.