Kinumpirma ng Supreme Court (SC) na binawi na nito ang naunang inilabas na Temporary Restraining Order o TRO laban sa No Contact Apprehension Program (NCAP) ng MMDA.
Sinabi ni Atty. Camille Sue Mae Ting, tagapagsalita ng Korte Suprema, na ito ay batay sa naging pasya ng Supreme Court En Banc session.
Kinatigan ng Korte ang urgent motion ng MMDA, na inihain sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General, para i-lift na ang TRO na ipinatupad pa noong 2022.
Dahil dito, pinayagan na ng Korte Suprema ang muling pagpapatupad ng MMDA Resolution No. 16-01, o mas kilala bilang No Contact Apprehension Program.
Paglilinaw ng Korte Suprema partially lifted lamang ang TRO, nangangahulugan na hindi parin pinapayagan ang mga Local Government Units na ipatupad ang parehong programa.
Ibig sabihin, saklaw lamang ng implementasyon ang mga pangunahing kalsada tulad ng EDSA at C5. Hindi pa rin ito kasama sa mga ordinansang ipinatutupad ng mga lokal na pamahalaan.
Ayon pa kay Atty. Ting, maaari nang simulan ng MMDA ang agarang pagpapatupad ng programa sa mga nabanggit na major thoroughfares.










