--Ads--

Mabagal umanong kumilos at magdesisyon ang Commission on Elections (Comelec) kaya naaapektuhan ang voter’s will pagdating sa mga gusto nilang mahalal sa pwesto.

Ito ang inihayag ng isang Abogado matapos suspendehin ng Comelec ang proklamasyon ng ilang kandidato at party-list group na mayroong nakabinbing disqualification case.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo Egon Cayosa, Former Integrated Bar of the Philippines President, sinabi niya na ipinagtataka nito kung bakit hindi pa nadedesisyunan ng Comelec ang matagal nang pending disqaulification cases kahit tapos na ang halalan.

Aniya, bago pa man ang eleksyon ay dapat may pasya na ang komisyon hinggil sa mga nakabinbing disqualification case upang hindi na humantong sa suspensiyon ng proklamasyon at hindi rin ito magmukhang politically motivated.

--Ads--

Mayroon naman aniyang mga legal remedies na maaaring gawin ang mga indibidwal at partido na nahaharap sa disqualification cases gaya ng paghahain ng petisyon para sa Temporary Restraining Order (TRO)  subalit mahaba ang proseso para rito.

Binigyan diin naman nito na hindi umano ordinaryong usapin ang mga election cases kaya dapat binibilisan ang pag-proseso sa mga ito para hindi masayang ang boto ng taumbayan.