Nasa isang katao na ang kumpirmadong nasawi dahil sa suspected na cholera outbreak sa Brgy. Sacpil, Conner, Apayao.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Tirso Bulayag ng Brgy. Sacpil, Conner, Apayao, sinabi niya na ang nakikitang pinanggalingan ng suspected cholera ay ang contaminated na tubig na inumin at pagkain sa kanilang lugar.
Batay sa kanilang midwife, isa pa lamang naman ang kumpirmadong cholera ang dahilan ng pagkasawi ngunit nasa walong katao na ang nasawi sa kanilang lugar sa hindi pa nila tiyak na dahilan dahil patuloy pa ang pagsisiyasat ng mga kinauukulan.
Nagsimula ang pagkakasakit ng mga residente noong ika-25 ng Abril kung saan nakaranas ang mga ito ng sakit sa tiyan at diarrhea.
Dito kasi nagsimula ang malakas na pag-uulan at maaring nakontamina ang pinanggagalingan ng kanilang inumin na mula lamang sa isang bukal at sa itaas na bahagi naman nito ay taniman ng mais.
Nagsagawa naman ng pagsisiyasat ang mga kasapi ng DOH at Rural Health Unit sa pinanggagalingan ng tubig at inabisuhan ang mga residente na huwag munang uminom dito ngunit naging matigas ang ulo ng mga residente.
Dahil dito nagsagawa sila ng chlorination sa mga water sources ng mga residente at binigyan ng gamot ang mga ito ngunit patuloy pa rin naman nilang ginagamit ang tubig.
Marami na rin ang mga tumutulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng potable water sa mga residente upang hindi na sila uminom ng tubig na galing sa kanilang mga gripo at iba pang water sources sa lugar na maaring kontaminado na ng bacteria.
Karamihan kasi sa mga source ng tubig nila sa lugar ay mga gripo at mula sa bukal na nilagyan lamang ng hose na ipinakalat sa mga kabahayan.
Ayon kay Punong Barangay Bulayag ito ang unang pagkakataon na mangyari ang maraming nagkasakit sa kanilang lugar dahil sa inuming tubig.
Mula April 29 hanggang May 14, 2025, may kabuuang 95 na kaso na ng diarrhea ang naitala ng DOH, kung saan walo ang namatay sa Barangay Sacpil, Conner, Apayao. Sa kasalukuyan, apat ang aktibong kasong naka-admit sa ospital.
Taliwas sa lumalaganap na impormasyon, ayon sa DOH hindi ito dulot ng virus, kundi sanhi ng iba’t ibang uri ng bacteria na nagdudulot ng diarrhea.
Tiniyak naman ng LGU Conner at iba pang mga katuwang na ahensya na patuloy ang koordinadong aksyon upang matugunan at mapigilan ang paglaganap ng sakit.
Inabisuhan din nila ang publiko na agad magpakonsulta sa mga health facilities para sa maagap na gamutan at magsagawa rin ng boluntaryong pag-uulat ng mga sintomas lalo na ang pagdudumi.











