Tiniyak ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela na sisilipin ang operasyon ng minahan sa Dinapigue Isabela na unang nagviral sa Social Media dahil sa nakakalbo nang bahagi ng kabundukan ng Sierra Madre.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Rodito Albano sinabi niya na kung may mga paglabag man ang may-ari ng nasabing minahan ay kanya itong aalamin.
Aniya kung nabigyan naman ito ng permit mula sa Department of Environment and Natural Resources o DENR ay maituturing na itong legal at hindi na kabilang ang nasabing lupain sa protected areas.
Ang dapat na magbigay ng pahayag aniya dito ay ang Mines and Geosciences Bureau o MGB upang maliwanagan ang publiko sa operasyon ng nasabing minahan.
Sakali man aniyang mapatunayan na wala nga itong mga kaukulang dokumento sa operasyon ay siya na mismo ang magtutungo sa lugar para mag-imbestiga at panagutin ang may-ari nito.
Muli naman niyang pinaalalahanan ang publiko na huwag agad husgahan ang minahan dahil hindi naman maipapatayo ito at lalawak ang sakop kung hindi nasuri ng mga kaukulang ahensya ng pamahalaan.
Sa ngayon, ang plano ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela ay papupuntahin sa lugar ang environment officer para sa inisyal na pagsisiyasat.
Samantala dahil sa nasabing usapin ay plano ngayon ni Gov. Albano na pagbuklurin ang mga kabataan sa Isabela na aktibo sa social media para sila ay magkaroon ng mga aktibidad para sa kalikasan at mabigyan sila ng kaalaman sa kung ano ang nangyayari sa lipunan.











