--Ads--

Nag-abiso ang pamunuan ng Department of Public Works and Highways o DPWH 4th Engineering District dahil sa kanilang pagbaba ng load limit sa mga dumadaang sasakyan sa Ipil Bridge sa bahagi ng Echague Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Maintenance Section Chief Lilia Herrera ng DPWH 4th Engineering District, sinabi niya na binawasan nila ang load limit ng tulay dahil sa mga nakitang sira na kailangang masuri.

Aniya maari kasing lumala ito at tuluyang masira ang tulaykung patuloy na dadaanan ng malalaki at mabibigat na sasakyan.

Tiniyak naman niya na mahigpit itong binabantayan ng kanilang personnel upang walang mabibigat na sasakyan na dadaan sa tulay.

--Ads--

Aniya tanging light vehicles lamang na may bigat na hindi hihigit sa pitong tonelada ang papayagang makatawid sa tulay.

May mga itinalaga na ring pulis na aalalay sa mga motorista para sila ay masabihan kung saan sila maaring dumaan para sa alternatibong ruta.

Ayon pa kay Ginang Herrera maraming motorista ang matigas ang ulo na hindi iniisip ang kaligtasan at nagpupumilit na tumawid sa tulay.

Aniya nabangga ng isang bus at van ang inilagay na vertical clearance sa tulay kaya mas hinigpitan nila ang pagbabantay sa lugar at 24 oras nang may magmamando rito.

Para sa mga northbound na sasakyan, maaaring dumaan sa Santiago-Tuguegarao Road patungong Alicia-San Mateo Road habang ang mga patungong southbound naman ay maaaring magbalik ruta mula Alicia-San Mateo Road patungong Santiago-Tuguegarao Road.

Humingi naman sila ng paumanhin sa publiko at hiniling ang pakikiisa sa ipinatutupad na hakbang para sa kaligtasan ng lahat.