--Ads--

Iminungkahi ng Punong Bayan ng Dinapigue Isabela ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa mining site sa nasabing bayan matapos umani ng mga batikos dahil sa sinasabing deforestation sa Sierra Madre.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Vicente Mendoza ng Dinapigue Isabela sinabi niya na kung titingnan ang aerial view ng nasabing bahagi ng kabundukan ay talagang makikita na ang deforestation dahil sa open pit mining.

Aniya hindi naman makakapag-operate ang kompanya kung hindi ito nabigyan ng kaukulang dokumento na ipinakita sa LGU.

Labing limang taon na aniyang nag-ooperate ang nasabing mining company ngunit nagtataka sila kung bakit ngayon lang lumabas ang ganitong mga isyu.

--Ads--

Nakikita naman aniya ng lokal na pamahalaan ang mga ginagawang remedyo ng korporasyon para matiyak ang responsible mining tulad ng rehabilitasyon sa mga lugar na natapos nang minahin.

Batay sa kanilang Sangguniang Bayan kumpleto naman ang requirements na ipinasa ng mining company kaya ito napapayagang mag-operate ngunit upang maliwanagan ang publiko ay mas mabuting magsagawa na lamang ng actual validation sa mining area.

Ayon kay Mayor Mendoza, may specific area of operation ang mining company sa lugar at ito lamang aniya ang kanilang pinaghuhukayan o pinagmiminahan.

Kinumpirma rin ng Mayor na nasa 25-taon ang kontrata ng kompanya para makapag-operate, otorisado at nabigyan rin sila ng permit at opisyal na dokumento mula sa Mines and Geosciences Bureau.

Hamon niya ngayon sa mga nagkokomento sa social media patungkol sa nasabing minahan na humiling ng actual validation sa lugar upang makita kung ano ang tunay na operasyon sa minahan.

Samantala batay sa inilabas na pahayag ng Dinapigue Mining Corporation o DMC na ang kanilang operasyon ay nasa labas ng boundary ng Sierra Madre at full compliant sila sa national at local regulations.

Ayon sa DMC may inihanda rin silang Final Rehabilitation and Decommissioning Plan na kailangan sa ilalim ng Philippine Mining Act of 1995 at iba pang regulasyon.

Sa unang bahagi ng taon ay nasa 626,402 seedlings na umano ang kanilang naitanim at naidonate para sa reforestation efforts sa nasabing bayan.

Tiniyak ng pamunuaan na hindi lamang sa tree planting natutok ang kanilang rehabilitation effort para sa pangmatagalang konserbasyon sa kalikasan.

Bagamat naglabas na ng pahayag ang nasabing korporasyon ay bukas pa rin ang Bombo Radyo Cauayan para sa mas detalyadong impormasyon kaugnay sa nasabing usapin.