--Ads--

Nagbabala ang pamunuan ng Regional EOD and Canine Unit o RECU 2 sa mga nagpapadala ng bomb threat na iwasan na ang ganitong gawain dahil sa mabigat na parusa at hindi ito dapat ginagawang biro.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Aldrin Galay, Information Officer ng RECU 2 sinabi niya na ang mga pekeng bomb threat ay may kaukulang parusa sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727, o mas kilala bilang Anti-Bomb Joke Law.

Ang mga lalabag ay maaaring makulong ng hanggang limang taon, pagmumultahin ng hanggang ₱40,000 o parehong parusa.

Muling iginiit ng RECU 2 ang kahalagahan ng pagiging mapagmatyag at may pananagutan ang bawat isa upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.

--Ads--

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pinanggalingan ng mensahe at mapanagot ang may kagagawan nito.