Marami sa mga mamamayan sa lungsod ng Cauayan ang hindi pabor sa No Contact Apprehension o NCAP na posibleng muling ipatupad sa lungsod.
limitado lamang ang Lifting ng Temporary Restraining Order TRO sa Metro Manila kaya hindi pa ito muling maipapatupad sa Lungsod ng Cauayan.
Hihintayin pa ng LGU ang ibabang guidelines o IRR ng Supreme Court para sa muling implementasyon ng programa.
Pangunahing umaalma sa nasabing programa ang mga namamasadang tsuper ng tricycle na laging nasa kalsada para maghanap buhay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Alejandro Recobo, isang tricycle driver, sinabi niya na naranasan na nila ang epekto nito ng unang paganahin ang NCAP kung saan marami ang naging isyu ukol dito.
Kabilang sa mga nakitang isyu ang kakulangan ng konsiderasyon kapag may emergency ang isang pasahero at kailangan nilang bilisan ang pagmamaneho.
Minsan ay pumapasok sila sa inner lanes dahil kailangan nilang iwasan ang mga pumaparada sa sidelanes o shoulder ng kalsada at sa kanilang pagpasok sa inner lane ay dito na sila nakukuhanan ng Camera ng violation.
Bagamat hindi sila pabor sa nasabing polisya ay mapipilitan silang sumunod sakaling ipatupad na itong muli ng LGU Cauayan City.
Umaasa pa rin naman sila na papakinggan ng lokal na pamahalaan ang kanilang panig at maigi ring magkaroon ng maigting na information drive para sa mga dumadaang motorista sa lungsod.











