inihayag ng Korte Suprema, ang mga empleyado ng pamahalaan na magpopositibo sa paggamit ng ilegal na droga ay kailangang bigyan muna ng pagkakataong sumailalim sa rehabilitasyon, dahil ang paggamit ng droga at ang posibleng pagka-adik dito ay hindi lamang isang krimen kundi isang karamdaman na nangangailangan ng gamutan.
Sa isang press briefing, sinabi ni Supreme Court spokesperson Camille Ting na kinatigan ng Korte Suprema ang naging desisyon ng Court of Appeals (CA) na napatunayang nagkasala si Carlito Salomon, isang engineer mula sa Muntinlupa, ng “grave misconduct” matapos magpositibo sa shabu sa dalawang magkahiwalay na drug test.
Gayunman, binigyang-diin ni Ting na sinuspinde ng Korte Suprema ang ipinataw na parusa at inatasan muna ang pagsasagawa ng panibagong pagsusuri kay Salomon.
Kung magnegatibo sa panibagong drug test si Salomon, hindi na siya kinakailangang sumailalim sa gamutan at maaaring muling suriin ng Civil Service Commission (CSC) ang kanyang pagiging kwalipikado para sa serbisyo publiko.
Subalit kung muli siyang magpositibo, kinakailangan niyang sumailalim sa pagsusuri para sa drug dependency at pumasok sa isang intervention program.
Batay sa mga tala ng korte, si Salomon ay nagsilbing engineer sa pamahalaang lungsod ng Muntinlupa sa ilalim ng panunungkulan ni Mayor Aldrin San Pedro, na naupo noong 2007.
Noong 2011, naglabas ng executive order si San Pedro na nagpapatupad ng programang drug testing para sa mga bagong aplikante at kasalukuyang mga kawani, kabilang na ang mga isinasagawang random testing.
Noong Marso 2, 2011, isinagawa ang isang random drug test para sa lokal na punong ehekutibo, mga pinuno ng departamento, at piling empleyado kabilang si Salomon, na kabilang sa 40-50 empleyado mula sa engineering department.
Matapos ang pagsusuri, nakatanggap si Salomon ng liham na nagsasabing positibo ang kanyang paunang resulta sa droga, dahilan upang sumailalim siya sa confirmatory test.










