CAUAYAN CITY- Pinapayuhan ng LGU Echague ang lahat ng mga motorista na sundin ang inilalabas na abiso ng Department of Public Works and Highways o DPWH 4th Engineering District para sa kaligtasan ng mga dumadaan sa Ipil Bridge lalo na sa kasalukuyang estado ng tulay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Echague Mayor-Elect Cong. Faustino Inno Dy, sinabi niya na labis ang pag-aalala nila ng ilabas ng DPWH ang abiso kaugnay sa ilang depekto sa Ipil Bridge.
Aniya isinasaalang-alang nila ang kapakanan ng mga motoristang araw-araw na dumadaan sa tulay.
Batay sa DPWH may ilang depekto o misaligned na bahagi ng tulay gayunman maaari parin naman umano itong magamit.
Sa katunayan mayroong minor repairs naring ginawa ang DPWH sa tulay na hanggang sa ngayon ay ligtas parin namang gamitin para sa mga light vehicles gayunman pag-aaralan pa nila kung ano pang mga hakbang ang gagawin para mapahaba pa ang buhay ng tulay o kung kailangan ng major retrofitting.
Sa ngayon naghihintay pa sila kung ano ang resulta ng ginagawang imbestigasyon ng DPWH 4th Engineering Office.
Dahil mahal talaga ang pagpapagawa ng tulay ay handa silang humiling ng pondo sa National Government kung kinakailangan.











