CAUAYAN CITY- Umaasa ang Department of Agriculture na tataas ang ani at kita ng mga magsasaka kapag ginamit ng tama at pinahalagahan ang mga libreng binhi na ipinamamahagi ng ahensya.
Ngayon ay tuloy tuloy pa rin kasi ang pamamahagi ng libreng binhi sa mga magsasakang miyembro ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).
Naaayon naman ang pamamahagi ng binhi lalo pa at naghahanda pa lamang ang mga magsasaka sa pagtatanim.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Ricardo Alonzo, City Agriculturist, sinabi niya na patuloy nilang sinusubaybayan ang mga magsasaka simula sa pagtatanim at pag-aani.
Tiyak naman aniya na alam na ng mga magsasaka sa lungsod na mahigpit na pinagbabawal ang pagbebenta ng binhi o abono na galing sa DA kung saan ito ay mayroong kaukulang kaparusahan batay sa City Ordinance ng lungsod at sa paglabag sa panuntunan ng DA.
Kaya naman kumbinsido si City Agriculturist na kung gagamitin lamang ng tama ang mga libreng binhi ay tiyak na gaganda ang ani ng mga magsasaka lalo pa at napakaganda ng kalidad nito batay sa pagsusuri ng DA











