CAUAYAN CITY- Ipinaliwanag ng isang Doktor ang ilang mga sanhi at sintomas ng sakit na Cholera.
Ito ay matapos masawi ang isang indibidwal sa Brgy. Sacpil, Conner, Apayao dahil umano sa cholera.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Mel Lazaro, sinabi niya na ang Cholera ay isang Gastrointestinal Infection kung saan ang isang indibidwal na apektado nito ay nakararanas ng panghihina, pagdudumi at pagduduwal na nagiging sanhi naman ng dehydration.
Ito ay maaaring makuha sa mga kontaminadong tubig o pagkain ng bacteria na tinatawag na ‘Vibrio Cholerae’.
Ang incubation period ng Cholera ay ilang oras hanggang limang araw matapos makainom o makakain ng contaminated na pagkain o inumin.
Aniya, kalahati ng kaso ng Cholera ay nakaka-survive nang kahit walang treatment subalit kalahati naman ng cases ay lubhang delikado at maaaring magdulot ng pagkasawi.
Ayon kay Dr. Lazaro, upang maiwasan ang naturang sakit ay kailangang i-obeserve ang magandang hygiene, lutuin din nang husto ang mga pagkain dahil hindi kayang I-survive ng nasabing bacteria ang boiling water.







