Iginiit ng Dinapigue Mining Corporation (DMC) na legal ang kanilang mining operation sa Dinapigue, Isabela at wala silang nilalabag na anumang batas.
Ang Dinapigue Mining Corp. ang namamahala sa minahan sa bayan ng Dinapigue na kamakailan ay naging usap-usapan sa social media matapos kumalat ang larawan ng Sierra Madre na animo’y nakakalbo na dahil sa pagmimina.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DMC Resident Mine Manager Edwin Casiano, sinabi niya na katatapos lamang ng kanilang MMT o ang Multi-partite Monitoring Team kung saan mayroong representante ang ilang government agencies at local government unit.
Batay aniya sa external audit ng mga ito, wala silang napansin na violation sa minahan dahil sumusunod naman umano sila sa batas.
Gayunpaman, ay mainam na aniya na kumalat ito online upang maipaliwanag nila sa publiko ang mga kaganapan sa kanilang operasyon.
Nilinaw niya na hindi sila gumagamit ng kemikal sa kanilang pagmimina dahil tanging paghuhukay lamang ang kanilang ginagawa kung saan deretso shipment na agad ang mga nahuhukay nilang mineral.
Ang mga namimina ng DMC ay dinadala sa China at Indonesia.
Ayon pa kay Casiano, pinapalitan nila ang mga puno na naapektuhan dahil sa kanilang operasyon at ngayon ay mayroon na silang 626,000 seedlings na naitanim sa lugar.
Ayon sa panuntunan, ang isang pinutol na kahoy ay kailangang palitan ng 100 na puno para sa rehabilitation.
Iginiit naman ni DMC Operation Manager Mark Joseph Ostonal na nag-o-operate ang kanilang kumpanya isang kilometro ang layo sa buffer zone o ang pagitan ng kanilang operasyon mula sa protected area ng Sierra Madre.
Ang Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) ng kanilang kumpanya ay 2,392 hektarya subalit 5% lamang ang kanilang nau-utilize at 1.5% o katumbas lamang ng 36 hectares ang kanilang minimina.
Samantala, bukas naman ang Nickel Asia Corporation sa isasagawang imbestigasyon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela sa operasyon ng naturang mining corporation sa bayan ng Dinapigue.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jose Bayani Baylon, Senior Vice President for Sustainability, Risk Management and Corporation Affairs ng Nickel Asia Corporation, iginiit niya na hindi sila nag-o-operate nang walang permit dahil mahigpit ang kanilang kumpanya pagdating sa pagsunod sa mga panuntunan.
Apat na beses sa isang taon ay mayroong dumadalaw sa area of operation ng mga mining companies sa bansa upang suriin kung mayroon bang paglabag ang isang kumpanya na agad naman nilang binibigyan ng warning kung mapatunayang may violation.
Ni isang beses ay hindi pa umano nakatanggap ng warning ang DMC kaya mainam na rin na mag-imbestiga ang mga awtoridad para ma-satisfy ang mga kritiko na pumupuna sa naturang minahan.











