Nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko ang pagbaliktad ng trailer truck sa Villaros, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Oscar Abrogena, Chief of Police ng Bagabag Police Station, sinabi niya na ang naturang truck ay may lamang 1,600 bags na harina mula Maynila at patungo sana sa Lungsod ng Santiago.
Habang paakyat umano ang truck sa pataas na bahagi ng kalsada ay nabitin ito dahil na rin sa bigat ng karga nito.
Minabuti naman ng tsuper na itigil ang sasakyan dahil mayroon lamang silang inayos sa truck upang mapanumbalik umano ang lakas ng sasakyan subalit bigla na lamang itong umatras at bumaliktad sa kalsada.
Humambalang ito sa daan na nagdulot ng matinding trapiko na tumagal ng halos isang oras.
Mabuti na lamang at walang ibang sasakyan ang nadamay sa insidente ngunit na-fracture ang isang paa ng pahinante nito na noo’y nasa taas ng truck bago mangyari ang insidente.
Agad naman na nagpadala ang Bagabag Police Station ng mga PNP personnel sa lugar upang magmando ng trapiko at nakipag-ugnayan din sila sa ibang mga ahensya gaya na lamang Department of Public Works and Highways (DPWH) at MDRRMO para sa clearing operation at rerouting.
Ayon kay PMaj. Abrogena, bahagyang may kataasan ang lugar at medyo pakurba ito kaya may posibilidad talaga na mabitin ang mga mabibigat na sasakyan na babaybay dito.











