Sa halip na tradisyunal na sulo na may apoy, isang makabagong at eco-friendly na paraan ang ginamit sa pagsisimula ng Palarong Pambansa 2025 dahil isang lightbeam ang ginamit.
Matatagpuan sa Ferdinand E. Marcos Memorial Stadium sa Laoag City, Ilocos Norte, ang Palaro lightbeam na may solar panels, LED video panels, at mga metal na nakaayos sa hugis-apoy na inspirasyon ng mga tumbleweed sa Paoay Sand Dunes. Mayroon din itong mga headlights sa ibaba na tumutok pataas sa kalangitan.
Ang pormal na pagsindi ng lightbeam ay isinagawa gamit ang isang battery-powered torch na dadalhin ng mga Ilokanong kampeon at mga umuusbong na atleta sa seremonial lighting.
Ang sulo ay isasaksak sa lightbeam upang ito ay magliwanag at mananatiling nakasindi gabi-gabi habang ginaganap ang mga laro.
Ang Palaro lightbeam ay disenyo ng mga Ilokanong artist na pinangungunahan ni Aian Raquel, kasama sina Stewart Magayano at Allan Sonajo.
Ang Ilocos Norte ay kilala sa mga kilalang wind farm, kabilang na ang pinakamalaki sa Pilipinas sa Burgos, ang kauna-unahang wind farm sa Southeast Asia sa Bangui, at isa pa sa Pagudpud. Ang mga ito ang nagsilbing inspirasyon para sa sustainable na disenyo ng Palaro lightbeam.
Sa temang “Nagkakaisang Kapuluan,” ang Ilocos Norte ang host ng ika-65 edisyon ng Palarong Pambansa para sa mga elementarya at high school athelete na gaganapin mula Mayo 24 hanggang 31.









