Ipinahayag ng Isabela Police Provincial Office na mas marami ang bilang ng mga indibidwal na nag surrender ng illegal o hindi lisensyadong baril kung ikukumpara sa kanilang pagsasagawa ng operasyon.
Dahil sa patuloy na paghahatid ng impormasyon sa publiko kaugnay sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Act, naging epektibo ito upang hikayatin ang mga gun owners na i surrender o safe keeping ang kanilang hindi lisensyadong baril.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay PCol. Lee Allen Bauding, Provincial Director ng PNP Isabela, sinabi niya na may election gun ban man o wala ay nakatutok pa rin ang kanilang atensyon sa paghihigpit sa pagbitbit o pagbebenta ng hindi dokumentadong baril.
Ngayong Linggo lamang ay nahuli ang dalawang estudyante dito sa lungsod ng Cauayan dahil sa pagbebenta ng illegal o hindi dokumentadong baril, bukod dito ay wala naman na aniyang ibang nahuhuli sa kaparehong kaso dahil karamihan ng mga gun owners ay personal na nagtutungo sa mga Police Station para mag surrender.
Dagdag pa ni Provincial Director, ikinatutuwa ng kanilang ahensya na ang ilang mga gun owners ay disiplinado lalo na yung mga expired na ang papeles ng kanilang baril ay kusang pinapa safe keeping ito sa mga police station.
Nagbabala ang PNP Isabela sa mga residente sa lalawigan na mayroong kaukulang penalty o kaparusahan para sa mga gun owners na hindi mag susurrender ng kanilang hindi lisensyadong baril.
Samantala, sa ngayon ay paiigtingin pa lalo ng pulisya ang kanilang pagtutok sa checkpoint para sa pagpapatuloy pa rin ng comelec gun ban hanggang June 11.











