--Ads--

Nakuha ng isang Kabataang Cauayeño Rank 8 sa katatapos na Licensure Examination for Teachers o LET 2025.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Cauayan kay Reden Andres Calipjo, Rank 8 sa katatapos na LET na tubong Baculod Cauayan City,sinabi niya na ang nais lamang sana niya ay makapasa subalit napakalaking bonus para sa kaniya na mapasok pa siya sa top 10.

Sa katunayan niya may ilang items siyang hindi nasagot subalit ipinagkaloob  parin sa kaniya ang naturang pwesto.

Aniya ang pagnanais niyang makapasok sa topnotchers ay isang motivation lamang sana subalit hindi niya inakala na magkakatotoo ito.

--Ads--

Sa katunayan may special na kahulugan para sa kaniya ang numero 8 dahil naganap ang graduation niya sa PNU noong August 8,2024 kung saan nagtapos siya sa rank 8 sa list of graduate.

Dahil sa manipestasyon ay inisip niya na baka swerte para sa kaniya ang numerong ito at  ginamit niya ito para madagdagan ang  kaniyang effort sa pag rereview.

Labis ang kaba na kaniyang naramdaman ng antabayanan ang paglalabas ng resulta ng LET na matiyaga niyang hinintay hanggang alas-3 ng hapon.

Una niyang tinignan ang top performing schools dahil isa sa goal nila na makakuha ng 100% passing rate para sa Licensure Examination for Teachers.

Nang makita niya ang listahan ng topnotchers ay labis ang saya na kaniyang naramdaman ng masulyapan ang kaniyang pangalan na ilang ulit pa niyang binasa.

Labis din ang kasiyahan ng kaniyang mga magulang dahil sa nakapagtapos na silang lahat na mga magkakapatid at may bonus pa dahil nagkaroon sila ng topnocher.

Hindi aniya nawala sa kaniya ang pangaral ng kaniyang mga magulang lalo at ang kaniyang ama ay isang magsasaka na nagtapos sa highschool habang ang kaniyang ina ay hindi rin nakapagtapos ng pag-aaral.

Inspirasyon niya sa pagkuha ng kursong Bachelor’s in Filipino Education (BFE) program ay ang kaniyang tiyuhin na isa ring guro subalit sa ngayon ay sumakabilang buhay na.

Sa katunayan bago ang pagsusulit ay nagpunta pa siya sa sementeryo at nanalangin sa puntod ng kaniyang tiyuhin at laking pasasalamat niya na nadinig ang kanyang dasal.