--Ads--

CAUAYAN CITY- Hindi tumitigil ang pulisya ng Isabela upang tugisin ang sino mang gumawa at gagawa ng pagkatay o pagnanakaw ng mga alagang baka o kalabaw sa lalawigan ng Isabela.

Matatandaan na nitong buwan lamang ng Mayo ay mayroong kinatay na baka sa Echague Isabela kung saan ito ipinastol ng may-ari at nang balikan na ito kinaumagahan ay nakita na lamang itong wala nang lamang-loob at isang parte ng paa.

Ang pangyayaring ito ay hindi pa nabibigyang linaw at hindi parin matukoy kung sino ang salarin at kung bakit ginawa ang krimen.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Director PCol. Lee Allen Bauding, sinabi niya na ngayong taon ay nakapagtala na nga ng pagkatay at pagnanakaw ng baka.

--Ads--

Pinangangambahan naman ng pulisya ang paglaganap pa ng ganitong gawain kung kaya’t pinaiimbestigahan ng mabuti kung saan-saang lugar pa mayroong ganitong pangyayari.

Dagdag pa ni Provincial Director, kung hindi aaksyon ang kinauukulan ay marami pa ang posibleng mabibiktima subalit paglilinaw naman, tungkulin pa rin ng mga farmers na tiyaking bantayan ang kanilang alagang hayop.

Matatandaan rin kasi na noong nakalipas na taon ay mayroon ding mga nanakawan ng baka at hindi papayag ang pulisya na muling magbalik ang kawatan.

Handa namang sampahan ng kaso ang sino mang masangkot sa krimen

Samantala, hinihikayat naman ang publiko na kung mayroong kaparehong kaso tulad ng nabanggit, ay agad ipagbigay alam sa pulisya upang makapagbigay ng aksyon.