Mas lalo pang hihigpitan ng Isabela State University ang seguridad sa lahat ng Campuses nito matapos ang dalawang magkasunod na bomb scare.
Matatandaan na noong ika-15 ng Mayo ay binulabog ng bomb threat ang ISU-Cauayan Campus na sinundan naman ng panibagong pagbabanta nito lamang Lunes, Mayo 26 sa ISU-Main Campus.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Boyet Batang, Presidente ng ISU System, sinabi niya na simula sa gate hanggang sa bisinidad ng lahat ng campuses ng ISU ay hihigpitan ang seguridad kung saan magkakaroon na ng “one entry, one exit” policy upang mabantayan ang naglalabas-masok na mga indibidwal.
Tiniyak naman niya na pag-aaralan ng Security Office kung paano ang flow ng pagpasok at paglabas ng mga estudyante at staff upang mas maging maayos ang implementasyon nito.
Paiigtingin din ang pagpapatupad ng ‘No ID, No Entry’ at lahat ng mga sasakyan na papasok sa campus ay kinakailangang ibaba ang bintana para sa visual inspection.
Nagbigay na rin sila ng direktiba sa mga Security Guards na huwag tumanggap ng parcel at deliveries para sa mga nagpasuyong estudyante at staff alinsunod sa bagong security protocol.
Para naman sa mga bisita, kailangan nilang mag-iwan ng identification card sa gate tsaka sila bibigyan ng panibagong ID na magsisilbing gate pass para makapasok sa Campus.










