--Ads--

CAUAYAN CITY- Nasawi sa naganap na sagupaan sa Barangay San Pugo, Nagtipunan, Quirino ang Number 6 Most Wanted Person na si Alyas “Puti” sa ginawang pagsisilbi ng Warrant of Arrest ng mga otoridad.

Batay sa ulat, habang isinasagawa ng mga operatiba mula sa Nagtipunan Police Station, Quirino Police Provincial Office, katuwang ang Provincial Intelligence Unit (PIU), 2nd Quirino Provincial Mobile Force Company (QPMFC), at Regional Intelligence Unit 2 (RIU2), ang implementasyon ng warrant of arrest laban kay Puti, ay bigla umano itong nagpaputok sa mga papalapit na operatiba gamit ang isang baril. Dahil dito, napilitang gumanti ng putok ang mga pulis, na nauwi sa maikling palitan ng putok at ikinasawi ng suspek habang ligtas naman ang lahat ng operatiba sa insidente.

Ayon sa pulisya, si Puti, 55-anyos, may asawa, at residente ng Alfonso Castañeda, Nueva Vizcaya, ay dati nang nahatulan sa kasong homicide noong Nobyembre 19, 2010 at nakalaya sa pamamagitan ng parole.

Noong Disyembre 17, 2024, apat na magkakahiwalay na warrant of arrest para sa kasong rape ang inilabas laban sa kanya ng Regional Trial Court, Branch 38, Maddela-Nagtipunan, Quirino.

--Ads--

Narekober sa lugar ng insidente ang isang Calibre .45 baril na walang serial number na may kasamang magazine, tatlong basyo ng bala, apat na live ammunition, Pera na nagkakahalaga ng ₱30,650.00, isang flashlight, isang handheld radio, isang itim na belt bag at backpack, at isang motorsiklo na walang plaka.

Bukod dito, isang granada umano ang natagpuan sa loob ng backpack ng suspek, kaya agad na dumating ang mga tauhan ng Quirino Police Explosive and Canine Unit upang ito’y masuri.

Ang labi ng suspek ay dinala sa Rural Health Unit ng Nagtipunan para isailalim sa postmortem examination at paraffin test bilang bahagi ng imbestigasyon.