--Ads--

CAUAYAN CITY- Naalarma ang Department of Health Region 2 (DOH R2) sa pagtaas ng kaso ng dengue sa lalawigan ng Quirino na umabot na sa 268 simula noong January hanggang May 24 ngayong taon, mas mataas ito kung ikukumpara sa 114 na naitalang kaso noong 2024.

Ang mayroong pinaka mataas na kaso ng dengue sa Quirino ay ang bayan ng Diffun na mayroong 59 cases, na sinundan ng Aglipay na mayroong 54 cases, Cabarroguis na mayroong 46 cases, Maddela 39 cases, Nagtipunan 33 cases, at Saguday na mayroong 32 cases.

Samantala sa kabuoang datos ng DOH sa buong rehiyon, ang lalawigan ng Isabela ang nangunguna sa mayroong pinakamaraming kaso ng dengue na sinundan ng Cagayan, pangatlo ang Nueva Vizcaya, pang apat ang Quirino, pang lima ang Santiago habang mayroon namang pinaka mababang kaso ang lalawigan ng Batanes.

Sa pagpapahayag ni Dr. Janet Ibay, Infectious Desease Cluster Head ng Region 2, sinabi niya na sa pagtaas ng kaso ng dengue sa Region 2 ay dapat na mag-ingat ang mga residente at huwag magpakampante na hindi uusbong ang dengue.

--Ads--

Sa kabuoan kasi ay mayroon nang 3,899 na kaso ng dengue sa buong Rehiyon 2 at nababahala na rin ang Quirino Province matapos makapag tala ng tatlong nasawi sa naturang virus.

Pinapayuhan naman ang publiko na huwag mag self-medicate tuwing nakararanas ng mga sintomas ng dengue.

Aniya, hindi dahil mataas ang heat index at mainit ang panahon ay hindi na makakapagtala ng dengue, ito ay isang virus aniya na walang pinipiling oras o araw na pwedeng magkasakit.

Karamihan aniya sa mga tinatamaan ng dengue ay mga edad 1-10 at 11-20 dahil mga estudyante ang madalas na apektado ng virus.

Samantala, nangangamba naman ang lahat ng lalawigan partikular na ang Quirino Province dahil sa posibilidad na magkaroon ng dengue outbreak ngayong 2025 batay sa pagkakatala ng mataas na kaso ng sakit.

Sa pagpapahayag ni Dr. Alexis Milan, sinabi niya na bawat lima o anim na taon na nakalilipas ay mayroong naitatalang dengue outbreak.

Huling naitala ang outbreak noong taong 2019 kaya iniiwasan ang muling pagkakatala ng maraming kaso ng nasabingsakit sa Pilipinas partikular sa Region 2.

Umaasa ang Department of Health na makakapag bigay na rin ng dengue vaccine sa bansa tulad ng bansang Brazil.

Ang vaccine ay hindi lunas kundi isang gamot lamang upang maiwasang matablan ng virus.

Samantala sa pagkakatala ng tatlong kaso ng pagkasawi sa Quirino Province, minabuti ng lalawigan na patuloy na magsagawa ng clean-up drive, at monthly inspection sa mga kabahayan.