Paborable sa Farmer group ang pagtatakda ng Floor Price sa Palay sa patuloy na pagbulusok ng presyo nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Federation of Free Farmers Manager Leonardo Montemayor, sinabi niya na una na nilang iminungkahi ang floor price sa palay ilang buwan na ang nakaraan.
Aniya layunin ng itatakdang floor price na matulungan ang mga magsasaka, sa pamamagitan nito hindi na maaaring bumili ng palay ang mga traders sa presyong mas mababa sa floor price.
Dagdag pa niya na bagamat pabor sila ay dapat ding isipin ang dahilan sa pagbaba ng presyo ng Palay na dulot ng mga mapagsamantalang traders at umiiral ng Government Policy gaya ng importation at pagpapalabas ng murang bigas.
Karamihan sa mga trader ay insinasaalang-alang ang makatuwiran na presyo ng palay para matapatan ang murang bigas at importation.
Upang matiyak na talagang mapapatupad ng maayos ang itatakdang floor price ay dapat sukatin ang magiging bentahan sa merkado upang makasigurong hindi ito magkakaroon ng negatibong epekto sa mga magsasaka at patuloy na bibili ng palay ang mga traders.
Sa ngayon nanatiling insufficient o kulang ang supply ng bigas sa Pilipinas upang hindi na ikunsidera ang importasyon.
Ayon sa grupo sa loob ng isang taon ay kulang ang Plipinas ng 3 to 4 million tons o 20% ng pangangailangan sa buong taon, kaya kailangan paring umangkat, kailangan lamang na tiyakin ng pamahalaan ang maayos na implementasyon ng taripa.
Dahil kung patuloy na papasok sa Bansa ang imported na bigas na may murang presyo siguradong walang magiging epekto ang floor price sa palay.
Panukala nila pagdating ng anihan dapat taasan ang taripa para mapatatag ang magandang presyo ng palay at pagkatapos ng anihan ay muling ibalik sa normal ang taripa.
Maliban sa taripa ay dapat ding pag-aralan ng mabuti ng gobyerno ang magiging epekto sa kalakalan ng palay at bigas ng 20 pesos per kilo na bigas.
Ayon kay Ginoong Montemayor dapat panatilihin na piling sektor lamang ang makakabili ng murang bigas para hindi din ito magkaroon ng impact sa mga magsasaka.
Aniya kung sa datos ng Pamahalaan target ang nasa 12 million mahihirap na benepisaryo o 15% ng kabuuang market ng bigas na tiyak magkakaroon ng epekto sa kalakalan.











