Inihayag ng Cauayan City Engineering Office na posibleng dahil sa kalumaan na kaya nagkaroon ng butas sa Alicaocao Overflow Bridge.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Eng. Edward Lorenzo, City Engineer ng LGU Cauayan City sinabi niya na matapos niyang malaman na nagkaroon ng butas ang tulay ay agad siyang nagpadala ng inspection team sa ilalim nito para masuri ang flooring ng tulay.
Dito ay napansin na manipis na ang semento nito at may lumalabas nang bakal kaya hihilingin nilang limitahan ang capacity ng mga sasakyang dumadaan sa tulay.
Aniya kapag nadaanan ng mabigat na sasakyan ay maaring bumigay ang nasabing span ng tulay at magdulot pa ng aksidente.
Maliit lamang ang butas sa ibabaw ngunit malaki na ang butas sa ilalim kaya kailangan nilang sukatin ang lapag ng mga sasakyang dadaan at bukas ay susukatin na rin ang height o taas ng sasakyan na maaring dumaan dito.
Nilinaw naman ni Engr. Lorenzo na ang tulay sa bahagi ng Cabaruan at Mabantad ang long term plan ng DPWH at ongoing na aniya ito.
Ang short term plan naman ng City Engineering Office ay lalagyan ng slab sa ibabaw ng nabutas na span ng tulay para maging passable bago ang pasukan ng mga estudyante.
Lalagyan na lamang ng speed limit na 20km/h upang maiwasan ang aksidente dahil magkakaroon ng humps kapag nilagyan ito ng slab.
Base sa plano, taong 2028 ay tapos na ang nasabing tulay na magdudugtong sa poblasyon at forest region.
Aniya ang nasabing tulay ay pangmatagalan na dahil mataas na ito at hindi na maaabot ng baha tulad ng Alicaocao overflow bridge.
Isa pang proyekto ay ang San Pablo Sta. Luciana bridge na pinondohan ng NEDA at nasa kalahati na ang natatapos dito.
Nakiusap naman siya sa publiko pangunahin na ang mga motorista na upang maiwasan ang perwisyo sa tulay ay maiging sumunod sa alituntunin pangunahin na ang mga ipinagbabawal na mabibigat na sasakyan na huwag munang dumaan dito.
Aniya may mga cargo trucks kasing nagpupumilit pa ring dumaan sa tulay sa tuwing hatinggabi at madaling araw kaya panawagan niya na maiging umikot na lamang muna sa Naguilian Isabela kaysa tumawid sa may butas na tulay.
Kapag tuluyang bumagsak ito ay mas malaking perwisyo sa lahat kaya kooperasyon ang kailangan.











