Nanawagan ang National Public Transport Coalition (NPTC) na suspendihin ang implementasyon ng ‘No Contact Apprehension Policy’ o NCAP sa Metro Manila.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay NPTC Convenor Ariel Lim, sinabi niya na maraming kailangang ipaliwanag ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) hinggil sa mga bagong panuntunan sa NCAP pangunahin na ang biglaang pagtaas sa penalty ng mga violators.
Hindi aniya nila tinugunan ang kanilang mga hinaing hinggil sa NCAP bago ito muling ipatupad kaya mas mainam kung magkaroon muna ng pag-uusap sa pagitan ng MMDA at mga hanay ng transportasyon upang maliwanagan ang mga ito hinggil sa naturang programa.
Aniya, bagamat nagkaroon ng disiplina ang mg motorista dahil dito ay hindi pa rin nito na naibsan ang mabigat na daloy ng trapiko na isa sa mga layunin ng NCAP.
Ilang araw na ang nakararaan simula nang muling ipatupad ang NCAP noong ika-26 ng Mayo ay wala pa umanong napapadalhan ng Notice of Violation na siyang ikinababahala nila dahil baka magsabay-sabay ang pagdating ng penalties ng mga nahuling may violations.
Nilinaw naman niya na hindi sila tutol sa hangarin ng NCAP ngunit nais lamang nila na maging maayos ng implementasyon ng naturang programa.











