Patuloy na nakakatanggap ng pambabatikos at samu’t-saring masasakit na salita ang mga opisyal ng barangay Alicaocao matapos pagbawalan na tumawid ang mga malalaki at mabibigat na sasakyan sa Alicaocao Overflow Bridge.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Mauro Flores ng Brgy. Alicaocao, sinabi niya na kahapon ay nakatanggap sila ng masasakit na salita at pambabatikos mula sa mga residente sa East Tabacal at Forest Region na lulan ng Forward at iba pang malalaking sasakyan.
Pagpapaliwanag naman umano nila na mandato lamang ito ng lokal na pamahalaan at handa silang sundin ano mang direktiba na ibinababa sa kanila.
Batay naman sa kanilang pagbabantay, nagbigay ng direktiba ang pamahalaan na dapat silang mag bantay ng 6:30 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi upang matiyak na walang tatawid na malalaking sasakyan kahit pa man mayroon nang nilagay na Reinforced Concrete (RC) Pipe.
Pakiusap pa ng mga opisyal ng barangay na dapat unawain ang ibinabang mandato sakanila dahil gugustuhin nilang mabatikos kaysa magsisi sakaling mayroong mga motorista na mahulog sa ilog kung lumaki pa ang butas ng tulay.
Samantala inaasahan naman ngayong araw na ito na aayusin ang RC Pipe na inilagay upang mas masikip na ang espasyo para sa mga malalaking sasakyan.











