Naaalarma ngayon ang mga otoridad sa lungsod ng Cauayan dahil sa pagdami ng kaso ng attempted rape o panggagahasa na naoobserbahan sa lungsod.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Anti-Crime Task Force Chairman Yzmael Atienza Sr., sinabi niya na bawat buwan ay mayroong kaso ng panggagahasa, attempted rape, o sexual harassment sa lungsod.
Nagsimulang makapagtala noong buwan ng Disyembre sa nakalipas na taon at nagsunud-sunod na ito hanggang sa kasalukuyang buwan.
Malimit aniyang ituro na salarin sa krimen ay mga tricycle driver na namamasada tuwing gabi lalo na ang mga kolorum.
Madalas namang biktima sa krimen ay ang mga estudyanteng kababaihan.
Aniya, hindi nagkulang ang lahat ng miyembro ng IACTF upang paalalahanan ang mga kababaihan partikular ang mga dalaga na huwag nang lumabas sa kanilang bahay tuwing dis oras ng gabi.
Pinaigting na rin aniya ng bawat barangay ang pag-implementa ng curfew hours na nagsisimula tuwing alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga subalit mayroon pa ring mga naipapaulat na biktima ng panggagahasa.
Nakikita na lamang na dahilan ngayon ay ang pagsulputan ng mga kolorum na tricycle na posibleng salarin sa mga kriminalidad sa lungsod.
Pinapayuhan naman ang mga kababaihan na huwag lumabas ng bahay sa dis oras ng gabi kung hindi naman kinakailangan at tiyakin na lahat ng sinasakyang tricycle ay mayroong permit upang maiwasan ang kriminalidad.











