--Ads--

Isang public school sa United Kingdom ang pansamantalang inilikas matapos magdala ng granada ang isa sa mga estudyante para sa classroom activity.

Ang insidente ay naganap sa Osmaston Church of England Primary School sa Ash­bourne, Derbyshire. Ayon sa ulat, isang batang lalaki ang naglabas ng diumano’y granada mula pa sa panahon ng World War II habang isinasagawa ang isang activity na “Show-and-Tell”.

Ang “Show and Tell” ay classroom activity kung saan hinihikayat ang mga estudyante na magdala ng isang bagay mula sa kanilang bahay at ipaliwanag ito sa harap ng klase bilang bahagi ng pagsasanay sa pagsasalita at pagbabahagi ng personal na karanasan.

Ayon sa head teacher na si Jeanette Hart, agad niyang kinuha ang granada sa kamay ng bata at inilagay ito sa likod ng isang malaking puno sa parking lot habang hinihintay ang pagdating ng mga awtoridad. “Hindi ako sigurado kung aktibo pa ito, kaya minabuti kong ilayo sa mga bata,” ani Hart. Agad din siyang nakipag-ugnayan sa mga pulis at tumawag ng bomb disposal unit upang suriin ang granada.

--Ads--

Matapos ang masusing pagsusuri gamit ang X-ray equipment, kinumpirma ng military bomb experts na hindi na aktibo ang granada at wala itong kakayahang sumabog. Gayunman, pinuri ng mga awto­ridad ang mabilis na pag-akto ng mga guro upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante.

Sa ulat ng lokal na pulisya ng Matlock, binigyang-diin nila ang kahalagahan ng pagiging mapanuri ng mga magulang sa mga bagay na dinadala ng kanilang mga anak sa paaralan. Ayon kay Hart, walang masamang intensiyon ang bata at hindi nito batid ang panganib ng kanyang dala.