Pormal nang idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang pagsisimula ng panahon ng tag-ulan ngayong Lunes, Hunyo 2.
Ayon kay Pagasa Administrator Nathaniel Servando, ang deklarasyon ay batay sa pagsusuri ng lagay ng panahon at datos ng pag-ulan na nakalap mula sa iba’t ibang istasyon nito sa buong bansa.
Iniulat ng Pagasa na nakaranas ng pabugso-bugsong hanggang malawakang pag-ulan sa nakalipas na limang araw bunsod ng southwest monsoon o habagat, na hudyat ng pagsisimula ng tag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas.
Gayunpaman, binanggit ni Servando na maaari pa ring magkaroon ng mga panandaliang pagtigil ng ulan na maaaring tumagal ng ilang araw o linggo, na tinatawag na “monsoon breaks.”
Kinumpirma rin ni Servando na nagsimula na rin ang tropical cyclone season o panahon ng mga bagyo, kasabay ng pag-ulan.
Ang panahon ng mga bagyo ay karaniwang mula Hulyo hanggang Oktubre, kung kailan inaasahang papasok ang pinakamaraming bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Tinatayang nasa 10 hanggang 19 na bagyo ang papasok sa PAR ngayong taon, ayon sa Pagasa, kung saan dalawa hanggang tatlo ang inaasahang papasok ngayong Hunyo. Ang Agosto naman ang inaasahang may pinakamaraming bagyo.











