--Ads--

Isang residente ng Byneset, malapit sa Trondheim, Norway ang nagising sa hindi inaasahang bisita: isang dambuhalang cargo ship na sumadsad sa bakuran ng kanyang bahay!

Dakong alas-singko ng umaga noong May 22, tulog pa si Johan Helberg nang mag-alarma ang kanyang kapitbahay na si Jostein Jorgensen matapos marinig ang malakas na ugong ng barko na tila diretso ang takbo patungo sa kanilang mga bahay. Hindi agad sumagot si Helberg sa paulit-ulit na pagkatok, kaya napilitan si Jorgensen na tawagan siya sa telepono.

Pagbukas ng bintana, laking gulat ni Helberg nang makita ang isang 135 meter cargo ship na halos sumampa na sa kanyang bakuran.

Ayon sa mga ulat, ang barkong NCL Salten ay nag­lalayag sa Trondheim Fjord patungong Orkanger nang bigla itong lumihis ng ruta at sumadsad sa baybayin, ilang metro na lang mula sa bedroom ni Helberg. Labing-anim na tripulante ang sakay ng barko ngunit wala namang naiulat na nasaktan.

--Ads--

Nakunan ng litrato ang eksena kung saan tila mas malaki pa ang barko kaysa sa buong bahay. Ayon sa ulat ng TV2, nasira rin ang ilang bahagi ng linya ng heating­ pipe sa bahay ni Helberg.

Hindi pa malinaw kung ano ang sanhi ng aksidente. Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang pangyayari, habang naglabas na rin ng pahayag ang shipping company na NCL na nagsasabing seryoso ang insidente at nagpapasalamat silang walang nasaktan. Napag-alaman­ pa na ito na ang ikatlong beses na sumadsad ang NCL Salten simula pa noong 2023 at 2024 sa Hadsel at Ålesund.