Malinaw na paglabag sa konstitusiyon ang paulit-ulit na pagpapaliban sa pag-usad ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang inihayag ng isang Abogado matapos i-urong ni Senate President Francis Escudero ang pagbasa ng Articles of Impeachment laban sa Pangalawang Pangulo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo Egon Cayosa, dating Presidente ng Integrated Bar of the Philippines, sinabi niya na maliban sa paglabag sa konstitusiyon ay paglabag din aniya ito sa rules of impeachment ng Senado.
Nakakalungkot aniya dahil hindi sinusunod ng mga Senador ang batas at tila personal na political agenda ng mga ito ang mas nangigibabaw kaysa sa kanilang obligasyon sa taumbayan.
Ayon kay Cayosa, hindi valid na sabihing may mga importanteng panukala na kailangang ipasa kaya ipinagpapaliban ang impeachment dahil maaari itong pagsabayin ng Senado kung gugustuhin nila.
Handang-handa na aniya ang prosecution panel at ang akusadong si VP Sara sa pagsisimula ng impeachment subalit tila ayaw gawin ng mga hukom ang kanilang trabaho.
Nanawagan naman siya sa Senado na gawin ang kanilang tungkulin sa pamamagitan ng pagsunod sa isinasaad ng konstitusyon lalo na at interes ng taumbayan ang pinag-uusapan pagdating sa impeachment at hindi ito puro pulitikahan lamang.











