Hindi kumpiyansa ang Think Tank na IBON Foundation na ipapasa ng Kongreso ang hinihinging dagdag sahod ng mga manggagawa.
Ito ay matapos ipananawagan ng National Wage Coalition sa Kamara na ipasa ang 200 pesos na umento sa sahod bago magtapos ang 19th Congress.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation, sinabi niya na matagal nang naipanukala ang naturang wage hike at kung talagang sinsero ang mga Kongresista ay matagal na dapat itong naipasa.
Aniya, ito ang panahon upang ipakita sa publiko na may magandang nagawa ang 19th Congress dahil maganda umanong legasiya ang pagpapasa ng batas na naglalayong pataasin ang sahod ng mga manggagawa.
Ayon kay Africa, mahalagang mapagbigyan ang hiling ng taumbayan dahil malayong hindi sapat ang kasalukuyang minimun wage sa kasalukuyang Family Living wage sa bansa.
Matagal na ring sinusuportahan ng IBON Foundation ang demand na magkaroon ng National Minimun Wage sa halip na Regional Minimum wage dahil naging dahilan pa aniya ito para mas lalong ibaba ang sahod sa ibang mga Rehiyon dahil lamang sa cost of living na batayan.











