--Ads--

Isang malaking tagumpay laban sa iligal na droga ang naitala matapos madiskubre ng mga lokal na mangingisda ang hinihinalang shabu na nakalutang sa karagatan malapit sa West Bajo de Masinloc, Zambales.

Sa pag-aakalang food packs ang laman ng mga nakitang sako, binuksan ng mga mangingisda ang ilan at natuklasan ang hinihinalang droga. Agad nilang dinala ang mga ito sa Mariveles, Bataan, kung saan pansamantalang inilagak sa isang floating barge.

Iniulat ng kapitan ng bangka ang insidente sa Philippine Coast Guard (PCG) – Mariveles Sub-Station noong Hunyo 2, 2025.

Kasunod nito, nagsagawa ng coordinated operation ang PCG, Mariveles MPS, Bataan PPDEU, at PDEA-Bataan upang kumpirmahin ang laman ng mga sako.

--Ads--

Natuklasang may kabuuang 222 kilo ng hinihinalang shabu, na tinatayang nagkakahalaga ng PHP 1.509 bilyon.

Pinuri ng mga awtoridad ang katapatan ng mga mangingisda sa agarang pagsuko ng kontrabando.

Ayon kay PRO3 Director PBGEN Jean S. Fajardo, ang tagumpay na ito ay patunay ng matibay na ugnayan ng komunidad at kapulisan sa paglaban sa iligal na droga.

Hinimok din ang publiko na ipagbigay-alam agad sa awtoridad ang anumang kahalintulad na insidente.