CAUAYAN CITY- Nailathala ng ETCOR Educational Research Center, Inc. ang ginawang research ng Isabela state University Main Campus sa pangunguna ni John Albert Jarabe Master Student Researcher kaugnay sa pag-aalaga ng pugo o quail na kinilala bilang Most Outstanding Published Authors.
Ang kanilang pag-aaral, pinamagatang “Different Sources of Alternative Calcium Supplement on Laying Performance of Japanese Quail,” ay inilathala sa Volume IV, Issue 2 (April–June 2025) matapos dumaan sa masusing double-blind peer review process.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay John Albert Jarabe Master student Researcher, sinabi niya na, sinuri ng pananaliksik ang epekto ng alternatibong calcium sources gaya ng golden apple snail at eggshell waste maging oyster shells sa produksyon ng itlog at kalidad ng Japanese quail. Sa loob ng 14 na buwan, isinagawa ang eksperimento sa isang pribadong pasilidad sa Roxas, Isabela, gamit ang 150 ready-to-lay quails na hinati sa limang dietary treatments sa isang completely randomized design.
Batay sa kaniyang pagsusuri hindi aniya nalalayo ang datos sa alternatibong calcium source sa mga commercial calcium.
Natuklasan ng mga mananaliksik na ang mga alternatibong calcium sources ay walang negatibong epekto sa dami ng itlog, timbang, o kalidad ng loob nito. Sa katunayan, lahat ng nasuring itlog ay may Haugh Unit score na higit sa 72, na nagpapahiwatig ng premium na kalidad
Dihamak aniya na makakatipid ang mag aalaga ng quail o pugo kung gagamit ng alternative calcium source.
Sila ay inimbitahang personal na tanggapin ang kanilang plake, medalya, at sertipiko sa prestihiyosong international recognition event na gaganapin sa Bangkok, Thailand sa Oktubre 2025.
Ang tagumpay na ito ay nagpapatibay sa posisyon ng ISU bilang sentro ng makabagong pananaliksik sa agrikultura at patunay sa kakayahan ng mga Pilipinong mananaliksik na makabuo ng globally relevant findings.
Sa pamamagitan ng kanilang pag-aaral, hindi lamang nila pinalawak ang kaalaman sa sustainable poultry nutrition, kundi itinaas din ang antas ng Philippine agricultural research sa pandaigdigang larangan.
Labis ang kaniyang pasasalamat sa lahat ng mga sumuporta sa kaniya para matapos ang kaniyang reaserch pangunahin na ang kaniyang Pamilya at mga kaibigan.







