CAUAYAN CITY- Inilabas na ng Department of Trade and Industry ang Price Guide para sa presyo ng mga school supplies.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Glen Bert Ramos ang Technical Assistant ng DTI Isabela Consumer Protection Division, sinabi niya na unang Linggo pa lamang ng Mayo ay sinimulan na ng DTI ang monitoring sa presyo ng mga school supplies kung saan layunin din nito na masuri ang pagdating ng bagong supply sa Lalawigan.
Aniya, karamihan sa mga may bagong supply ay ang malalaking mall sa Isabela habang nanatili parin ang old stock sa mga pamilihan.
Sa katunayan inilabas na rin ng DTI ang price guide para sa mga school supply kasabay ng pagdating ng mga bagong stocks sa mga establishments na iniikutan ng DTI Isabela.
Umaasa sila na sa susunod na pag iikot sa mga pamilihan at bahay kalakal ay may updated price na ang mga school supplies.
Batay sa price guide kapansin pansin ang pagbaba ng presyo kumpara sa nakaraang price guide habang karamihan ay walang pagbabago sa presyo.
Sa ngayon ay wala pang monitored ang DTI na lumalabag sa price guide gayunman sinisiguro niya na kung may mahuhuling nag bebenta ng produkto na mas mataas sa price guide para agad na maaksyonan.
Pag-aaralan din kung ano ang sanctions o parusang ipapataw sa mga negosyante na lalabag sa price guide.
Ang DTI head office ang siyang mag dedesisyon kung bibigyan ng showcause order ang lumabag na seller.
Paglilinaw naman niya na ang inilbas na price guide ay gabay lamang at kaiba ito sa suggested Retail Price na umiiral sa mga basic commodities gaya ng pagkain.
Pinapayuhan ang mga magulang na agahan ang pamimili ng school supplies dahil sa marami na ngayon ang nagbebenta sa murang halaga, bagamat karamihan ay old stock ay maganda parin naman ang kalidad.
Inaanyayahan din ang lahat na maikiisa sa Diskwento Caravan na isasaga ng DTI Isabela sa Lunsod ng Santiago kung saan may discounts ang lahat ng school supplies maging school uniforms gadget at bags kung saan aabot sa 20 to 30 percent discount ang maaaring ipagkaloob.
Nagbabala naman siya sa mga nagtitinda ng mga school supplies na susuriin nila ang tamang labeling ng mga gamit gaya ng pangkulay.
Aniya kailangan isaalang alang ang kalusugan ng mga batang gagamit nito at nararapat na lagyan ng wastong label para matiyak na ligtas ang mga ito gamitin.











