CAUAYAN CITY- Nag-abiso ang awtoridad sa lungsod ng Cauayan na plano na ngayon na gawing mandatory sa mga namamasadang tricycle driver ang pagkuha ng travel permit lalo na sa mga namamasada tuwing gabi.
Hindi na lamang mga motoristang maghahatid ng kanilang pasahero sa iba’t-ibang bayan ang pangunahing tututukan sa pagkuha ng permit dahil kinakailangan ding kumuha ng travel permit ang mga namamasada dito sa lungsod upang maiwasan ang pagkakatala ng rape.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Yzmael Atienza, Chairman ng Isabela Anti-Crime Task Force, sinabi niya na ang rekomendasyong ito ay upang matiyak ang seguridad ng mga pasahero at mga driver tuwing gabi.
Mayroon kasi aniyang naitatala na kaso ng panggagahasa sa lungsod sa mga nakalipas na buwan.
Dagdag pa niya, ilan sa mga impormasyon na aalamin ng awtoridad bago magbigay ng travel permit sa motor ay ang destinasyon (kung saan ito pupunta), kung ilan ang pasahero, ano ang pangalan ng mga pasahero, at kung anong ibang gagawin sa lugar na pupuntahan.
Maging ang body number ng motor at lisensya ng driver ay kukuhanan ng litrato.
Aniya, minsan na ring naipatupad sa lungsod ng Cauayan ang rekomendasyong ito at bagaman maaabala ng bahagya ang mga driver at pasahero ay mas mainam na aniya itong gawin upang mabawasan ang kriminalidad sa lungsod ng Cauayan.
Dagdag pa nito, napag-usapan kasi aniya ng Task Force na mapanganib para sa mga motorista ang pamamasada tuwing gabi dahil posibleng makakaliwang grupo o masasamang tao pala ang pasahero ng mga ito.
Kung sakali man na magkaroon ng hindi magandang pangyayari sa driver man o pasahero ay mas madali na aniyang matutukoy ng otoridad ang posibleng salarin.
Ang travel permit ay pwedeng kunin sa mga outpost ng PNP na matatagpuan sa Brgy. Tagaran, San Fermin, Cabaruan, tapat ng malaking mall, sa Centro Poblacion, at pwede ring kumuha nito sa mga POSD personnel na nakabantay lamang sa kakalsadahan.
Wala namang babayaran sa permit kaya importanteng sumunod ang mga motorista para na rin sa kaligtasan ng driver at mananakay.











