Isang draft ng resolusyon na naglalayong ibasura ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte ang umano’y umiikot na ngayon sa Senado, ayon kay incoming Senator Panfilo “Ping” Lacson.
Sa isang panayam sinabi ni Lacson na personal siyang nakatanggap ng kopya ng nasabing dokumento, bagamat ito’y walang petsa at wala ring lagda.
Ayon pa kay Lacson, ang draft ay ipinadala sa kanya mula sa hindi niya pinangalanan na nasa loob ng Senado.
Ipinadala umano kay Lacon ang draft resolution at sinabing ipinapapirma ito sa mga senador para kapag nakakalap ng sapat na lagda ay maaaring talakayin sa plenaryo. Pero paliwanag ng Senador kahit resolusyon ito, kailangang dumaan pa rin sa tamang proseso — dapat itong talakayin sa plenaryo, pagdebatehan, at pagbotohan.
Iginiit ni Lacson na hindi pa maaaring basahin ang draft sa plenaryo dahil wala pa itong pormal na may-akda. Kinakailangan din itong ihain ng isang senador at i-refer sa angkop na komite. Kapag mayorya ng miyembro ng komite ang pumirma sa committee report, saka lamang ito maaaring isalang sa plenaryo para sa pinal na pag-apruba.
Samantala, ilang senador naman kabilang si Senate President Francis “Chiz” Escudero ang itinangging nakatanggap sila ng naturang draft resolution.
Una rito, kinumpirma ni Senador Imee Marcos na may ilang bersyon ng resolusyon ang kanyang nakita na tumatalakay sa mga isyu kaugnay ng kasalukuyang impeachment case laban kay Duterte.
Matapos ang naging pahayag ni Sen. Ping Lacson, ay inamin ni Senator Bato Dela Rosa na sa kanyang opisina galing ang draft resolution.
“Galing yun sa office ko”. Ito ang pagkumpirma ni Senator Bato dela Rosa kaugnay ng umano’y draft resolution na naglalayong isulong ang “de facto dismissal” ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.











