Isang trailer truck ang tumagilid sa bahagi ng Diadi, Nueva Vizcaya matapos na matanggal ang pivot pin nito.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Carmelo Palos, Officer in Charge ng Diadi Police Station sinabi niya na natanggal ang pivot pin ng trailer truck at humiwalay ang tractor head nito sa cargo o trailer na naging dahilan upang tumagilid ito at humambalang sa kalsada.
Nagdulot ito ng pagsikip ng daloy ng trapiko sa nasabing lugar dahil sa puno ito ng saku-sakong mais.
Aniya nangyari ito alas singko kahapon sa Purok 4, Namamparan, Diadi, Nueva Vizcaya.
Mabuti na lamang aniya at walang nasaktan sa nasabing pangyayari.
Itinuturing naman nila itong isolated incident dahil ngayon lamang may nangyari na may humiwalay na trailer sa tractor head nito sa kanilang nasasakupan.
Naranasan ang pagsikip ng daloy ng trapiko kaya may mga pulis at BPATS na nagmando sa kalsada at naranasan ang 10-20 minutes na interval sa pagdaan ng mga sasakyan.
Nanggaling pa aniya ang Trailer Truck sa Ballesteros Cagayan at agad naman nila itong naipaalam sa may-ari para sa pagrescue upang mailipat ang karga nitong mais sa ibang trailer truck.
Nakipag-ugnayan na rin sila sa Department of Public Works and Highways o DPWH para sa pagtanggal sa humambalang na trailer sa kalsada kapag natanggal na ang laman nito.
Pinaalalahanan naman niya ang mga motorista na dumadaan sa kanilang nasasakupan na laging suriin ang mga mga sasakyan at huwag magmaneho kapag nakainom.
Aniya mahirap ang daan lalo na sa bahagi ng Brgy. Balete dahil sa palusong na kalsada kaya naman maiging nakakondisyon ang sasakyan sa pagbyahe.











