Isa sa pangunahing tinitingnang dahilan ng isa sa mga Brgy Official ng Alicaocao Cauayan City sa naranasang pagbaha ang mga basura at mababaw na creek.
Ayon kay Brgy. Kagawad Ruby Pelagia, lumabas umano siya sa kasagsagan ng baha upang masuri ang mga drainage canal at ang creek sa kanilang barangay.
Nakita niya ang mga basura na bumara na sa mga drainage canals at sa creek kaya wala nang madaluyan ng tubig.
Hanggang ngayon ay marami pa ring residente ang hindi sumusunod sa panuntunan sa pagbabasura dahil kahit mayroon naman silang Material Recovery Facility o MRF ay may mga nagtatapon pa rin sa creek kahit ipinagbabawal.
Aniya upang hindi na magkaroon ng pagbaha ay mas laliman pa sana ang creek at matanggal ang mga nakabara sa daluyan nito na nagdudulot ng pag-overflow ng tubig.
Tiniyak naman ng City Engineering Office na susuriin ang creek kung maari itong palalimin upang hindi magdulot ng pagbaha.
Kahapon ay nagsagawa na ng pagsasaayos ang mga kawani ng City Engineering Office sa lugar kung saan tinanggal ang ipinatayong harang na nagpasikip sa daluyan ng tubig na galing pa sa poblacion area.











