CAUAYAN CITY- Ipinagdiwang ng mga Muslim sa Lungsod ng Cauayan ang Eid’l Adha ngayong araw ng Byernes, ika-6 ng buwan ng Hunyo.
Pormal na inumpisahan ang programa kaninang alas 6:30 ng umaga kung saan nakiisa rin sa pagdiriwang ang Muslim Community mula sa bayan ng Alicia, Aurora, Luna, Reina Mercedes, at San Mariano Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Imam Cairoding Gumama, ang Eid’l Adha ay isa sa mga malaking selebrasyon at kapistahan ng Muslim kaya lahat ng mga nag balik loob ay nagtutungo sa Muslim Center.
Batay sa pagtaya, umabot sa 400 na katao ang dumayo sa Lungsod dahil ang Muslim Center sa Cauayan ang pangatlong pinaka malaking mosque sa lalawigan ng Isabela.
Mahalaga naman aniya na maipagdiwang nila ang Eid’l Adha dahil ito ay isang pag-alala sa kahandaan ni Ibrahim na Isakripisyo ang kaniyang anak na si Ishmael bilang pagsunod sa utos ni Allah.
Samantala, ngayon ay naghahanda na rin ang mga kapatid na Muslim sa kani-kanilang kakataying kambing at baka.
Hindi naman obligado na maghanda ang lahat subalit lahat ng nakakaluwag luwag sa buhay ay obligadong mag katay ng kambing.










