--Ads--

Isang pambihirang tagumpay ang naabot ng isang 3 years old na bata sa Florida, U.S. matapos kilalanin ng Guinness World Records bilang pinakabatang motivational speaker (male) sa buong mundo.

Sa murang edad nakakapagbigay na si Caleb Stewart ng makabuluhang talumpati tungkol sa kahalagahan ng pagtitiwala sa sarili, na isinagawa sa harap ng komunidad ng ALARM International Church sa Tallahassee, Florida.

Ayon kay Caleb, hindi niya malilimutan ang mainit na pagtanggap sa kanya ng mga tagapakinig noong kanyang unang pagsasalita. Mula noon, hindi na siya tumigil sa pagbabahagi ng inspirasyon.

Ngayon ay lumilibot siya sa iba’t ibang paaralan, simbahan, at mga samahan upang hikayatin ang mga bata na mangarap nang malaki, magtiwala sa sariling kakayahan, at mahalin ang pagbabasa.

--Ads--

Bukod sa kanyang mga talumpati, naglunsad din si Caleb ng isang non-profit library na tinawag na Master Caleb’s Discovery Library, kung saan namamahagi siya ng mga libro at kagamitan sa pagbabasa sa mga batang nangangailangan.

Layunin niyang mahikayat ang mga bata na magsimulang magbasa at pagyamanin ang kanilang kaalaman, dahil naniniwala siyang ang pagbabasa ay susi sa tagumpay.

Malaki rin ang suporta at inspirasyon na nakukuha ni Caleb mula sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang lola na tumutulong sa kanyang pag-aaral at paghahanda sa mga talumpati.

Sa kabila ng kanyang natatanging kakayahan, tulad din siya ng ibang bata na mahilig maglaro ng baseball at video games, at gumugugol ng oras kasama ang pamilya.

Pangarap ni Caleb na maging guro, coach, at magtayo ng sariling paaralan upang makapagbahagi ng inspirasyon sa mas maraming bata balang araw.