CAUAYAN CITY- Pinagtutuunan ngayon ng pansin ng pamunuan ng New City of Ilagan Public Market ang pagpapaluwang sa mga daanan sa loob ng pamilihan.
Ito ay bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga market goers na bibili ng kanilang mga kagamitan para sa nalalapit na pagsisimula ng academic year 2025-2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Market Officer Jerry Manguira, sinabi niya na pinakikiusapan niya ang mga vendors na kung maaari ay huwag I-accommodate ang malaking bahagi ng daan sa palengke sa pamamagitan ng paglalatag ng kanilang paninda.
Dahil sa inaasahan na bugso ng mga mamimili sa mga susunod na araw ay target nilang mayroong 2 metro na lawak ng daanan ang mga mamimili upang maiwasan ang siksikan sa loob ng palengke.
Pinayuhan naman niya ang mga tindera pangunahin na ang mga nagtitinda ng school supplies na maaari silang pumuwesto sa labas ng palengke upang mas maging maganda ang espasyo sa loob ng pamilihan.
Sa ngayon ay mayroon nang isang nag-comply na piniling magtinda na lamang sa labas.
Samantala, tututukan din nila ang parking spaces sa New City of Ilagan Public Market kung saan pinulong nito ang kanilang mga staff upang paghandaan ang mga gagawing hakbang upang maiwasan ang masikip na daloy ng trapiko dahil sa hindi maayos na parking space.
Maliban sa pagtatalaga ng mga personnel na magmamando ng trapiko sa labas ng pamilihan ay magpapakalat din sila ng tauhan sa loob ng palengke upang masugpo ang mga masasamang loob na mananamantala sa mga mamimili.
Gagawin rin nilang aktibo ang kanilang public address system upang makapagbigay ng babala sa mga mamimili at upang makatulong sa mga ito kung mayroon man silang nais ipapanawagan.





