--Ads--

Posibleng maging kapaki-pakinabang sa patubig ng mga sakahan ang ulang dala ng binabantayang Low Pressure Area (LPA), lalo na kung ito ay tuluyang mabuo bilang Bagyong Auring.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Edwin Viernes ng NIA-MARIIS,sinabi niya na nakapaghanda na sila para sa posibleng epekto ng LPA, kabilang ang pag-aayos ng rain gauges upang masubaybayan ang dami ng ulan. Sa kasalukuyan, nakakaranas na ng malalakas na pag-ulan ang Magat Watershed area dahil sa localized thunderstorms at habagat.

Sa kabila ng mga pag-ulan, nananatiling mababa ang antas ng tubig sa Magat Dam, na kasalukuyang nasa 181.75 meters above sea level, mas mababa ng 11.75 meters sa normal water level. Dahil sa matagal na kawalan ng ulan, mas malaki ang volume ng tubig na inilalabas para sa irigasyon.

Batay sa pagtaya ng NIA-MARIIS, kung magdadala ng malalakas na pag-ulan ang LPA o kung ito ay maging ganap na bagyo, maaaring tumaas ang tubig sa dam ng 4 na metro, ngunit hindi pa rin nito maaabot ang normal high level kaya maaaring hinid sila mag bukas ng gate o magpakawala ng tubig.

--Ads--

Sa ngayon, tiniyak ng NIA-MARIIS na sapat ang patubig para sa lahat ng sakahan na sakop ng MARIIS, at naabot na ang lahat ng service areas.