Ikinatuwa ng Liga ng mga Barangay ang pagpapalawig ng termino ng mga barangay officials.
Ito ay matapos aprubahan sa sa ikatlo at huling pagbasa sa House of Representatives ang panukalang batas na nagpapalawig sa hanggang anim na taon sa mga termino ng mga Barangay at Sangguniang Kabataan Officials mula sa dating tatlong taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jessica Gallegos Dy, National President ng Liga ng mga Barangay, sinabi niya na maituturing na blessing ang pagpapahaba ng panahon ng kanilang panunugkulan dahil nangangahulugan ito na mas marami silang magagawa para sa barangay.
Sa pamamagitan nito ay maaari nang matapos ang mga sinimulang proyekto ng mga barangay officials hanggang sa matapos ang kanilang termino.
Hindi kasi aniya sapat ang dalawang taon lang lalo na at ang unang taon ay iginugugol ng mga opisyales ng barangay sa mga trainings at seminars pangunahin na ang mga bagong upo sa pwesto.
Dahil dito ay hindi aniya patas na sabihing walang nagawa ang mga barangay officials lalo na at napakaiksi lamang ng panahon ng kanilang panunungkulan.
Makatutulong din ito upang maiwasan ang hidwaan dahil kung maisasabatas ang anim na taon, ibig sabihin nito na mas bababa ang bilang ng eleksyon sa bansa na kadalasang sanhi ng hindi pagkakaunawaan.
Umaasa naman siya na maisasabatas ito sa lalong madaling panahon bago pa magsimula ang paghahanda para sa Barangay at Sanguniang Kabataan Election sa unang araw ng Disyembre.











