Hinahanap ngayon ng mga opisyal ng barangay Tagaran, Cauayan City ang nagtatapon ng basura at ginagawang dumpsite ang bakanteng lote sa tabi ng Sports Complex.
Ginawa kasing tapunan ng election materials ang lugar at nahikayat naman ang ilang residente na magtapon ng kani-kanilang sariling basura.
Matatandaan na ito na ang pang apat na beses na maging isyu ito sa nasabing barangay kung saan ang ilan sa mga nagtatapon ng basura ay naaktohan at pinatawan ng kaparusahan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Benjie Balauag, aniya dahil sa luwang ng bakanteng lote sa Tagaran ay iba’t-ibang parte ng lote ang ginagawang dumpsite.
Matatandaan na noong nakarqaang pagkakataon ay naaktohan ng mga opisyal ng barangay ang mga elf truck na nagtatapon ng basura, sa ngayon naman bagaman hindi naaktohan ang mga nagtatapon ay hinahanap naman sila batay sa ilang ebidensya na naiwan sa mga basura.
Ayon pa sa Punong Barangay, ginawa kasi itong tapunan ng mga election materials tulad na lamang ng mga tarpaulin.
Iginiit ng opisyal na madali nilang matutukoy kung sino ang mga nagtatapon kung kanilang i trace ang mga pangalan at litrato na nakalagay sa tarpaulin.
Karamihan aniya sa mga nagtapon ng election materials ay residente rin sa Cauayan ngunit kalaunan ay tinanggal din ito ng mga supporter ng mga kandidato.
Sa ngayon ay mayroon pa ring mga naiwan na election materials sa lugar na karamihan ay natakpan na rin ng mga sako sakong mga personal na basura ng mga residente.











