--Ads--

Magkakaroon muli ng panibagong water rate adjustment sa Cauayan Water District kaya asahan na ang dagdag singil sa tubig sa buwan ng Agosto.

Epektibo sa buwan ng Hulyo ang 200 pesos na water rate na makikita naman sa bill ng mga konsesyuners sa buwan ng Agosto.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Manolito Supnet, Department Manager, sinabi niya na hindi lamang ang Cauayan ang may pagbabago ng rate kundi maging ang ibang bayan na rin.

Nakatanggap aniya sila ng sulat mula sa Local Water Utilities Administration noong Dec. 18, 2024, na nagsasaad na aprubado na ang kanilang hinihiling simula pa noong 2023 na taasan ang water rate.

--Ads--

Matatandaan na tumaas ng P24.75 ang singil noong Enero hanggang ngayong buwan ng Hunyo kaya naging P174.75 na ang water rate, mas mataas ito mula sa dating 150 pesos lamang na binabayaran.

Samantala epektibo naman sa Hulyo ang P200 water rate na kokolektahin naman sa buwan ng Agosto.

Dagdag pa ni Engr. Supnet, panahon na para magkaroon ng increase dahil pang lima ang Cauayan sa may pinakamababang singil sa buong lalawigan ng Isabela, malayo aniya ang kanilang singil kung ikukumpara sa ibang bayan na P320-P350 ang water rate.

Sa ngayon naman, ang bagong water rate ay tiyak na makatutulong para mapanatili ang maayos na pasilidad na ginagamit para makapag suplay ng malinis na tubig.

Tiyak aniya, na mauunawaan ng mga konsesyuners ang taas singil dahil kinakailangan nila ng marami pang kagamitan para mapanatili ang maayos na suplay ng tubig.

Inaasahan pa ng ahensya na tataas na ang bilang ng mga konsesyuners na makakapag bayad on time sa kabila ng pagtaas ng water rate.

Sa ngayon kasi ay nananatili pa ring 48% ang percentage ng mga nakakapagbayad.